Ayos ng Pangungusap

Ang dalawang ayos ng pangungusap ay ang karaniwan o tuwid at di-karaniwan o baligtad na ayos.

1. Karaniwan o Tuwid na ayos ng pangungusap.
Ito ay ang ayos ng pangungusap na kadalasang ginagamit natin lalo na sa mga pasalitang Gawain.
Nauuna ang panaguri o ang bahagi nito sa simuno ng pangungusap.

Mga Halimbawa
Punung-puno ng iba’t ibang damdamin / ang musika.
Nangangahulugang Orihinal Pilipino Music / ang OPM.
Isang patunay / ito / ng pagiging malikhain ng mga Filipino.

Ang Punung-puno ng iba’t ibang damdamin, Nangangahulugang Orihinal Pilipino Music at isang patunay ay pawang mga panaguri. At sila ay matatagpuan bago ang mga simuno ng pangungusap.


2. Di-Karaniwan o Baligtad na ayos ng pangungusap
Ito ang ayos ng pangungusap na nauuna ang simuno sa panaguri ng pangungusap. Ang dalawang bahaging ito ay pinag-uugnay ng panandang ay.

Sa mga sumusunod na halimbawa, mapapansin na ang mga simuno na ang nauuna kaysa sa mga panaguri.

Mga Halimbawa
Ang musika / ay punung-puno ng damdamin.
Ang OPM / ay nangangahulugang Original Pilipino Music.
Ito / ay isang patunay ng pagiging malikhain ng mga Filipino.


Basahin ang buong aralin...

Uri Ng Pangungusap Ayon sa Gamit

Ang pangungusap ay salita o lipon ng mga salita na nagsasaad ng buong kaisipan o diwa.

Ang pangungusap ay may apat na uri ayon sa gamit. Ito ang sumusunod:

1. Pasalaysay o Paturol
Ito ay nagsasalaysay ng katotohanan o pangyayari. Lagi tiong nagtatapos sa tuldok.
Mga Halimbawa
Si Norberto ay isang matagumpay na arkitekto.
Ang mundo ay umiikot sa sarili nitong axis.
Ang daigdig ay ang tanging planetang may buhay.

2. Patanong
Ito ay nag-uusisa tungkol sa isang katotohanan o pangyayari. Tandang pananong(?) ang bantas sa hulihan nito.
Mga Halimbawa
Saan-saan matatagpuan ang magagandang tanawin ng Pilipinas?
Kailan ang huling pagsusulit para sa kasalukuyang semester?
Kanino makukuha ang mga klas kards?

3. Padamdam
Ito ay nagsasabi ng matinding damdamin gaya ng tuwa, lungkot, pagkagulat, paghanga, panghihinayang at iba pa. Karaniwang nagtatapos ito sa tandang panamdam. Maaari ring gamitin ang tandang pananong.
Mga Halimbawa
Ay! Tama pala ang sagot ko.
Ano? Hindi mo pa natatapos ang proyekto natin?
Yehey! Wala na namang pasok.

4. Pautos o Pakiusap
Ang pautos ay nagpapahayag ng obligasyong dapat tuparin, samantalang ang pakiusap ay nagpapahayag ng pag-utos sa magalang na pamamaraan. Nagtatapos ito sa tuldok.
Mga Halimbawa
Pautos
Mag-aral kang mabuti.
Nararapat lamang matutong sumunod ang mga mag-aaral ng seminary sa patakaran ng Bible School.

Pakiusap
Pakibigay mo naman ito sa iyong guro.
Maari bang iabot mo ang aklat na iyan?


Basahin ang buong aralin...

Kayarian ng mga Salita

Ang mga salita ay may apat na kayarian. Ang mga salita ay maaaring payak, maylapi, inuulit o tambalan.

1. Payak – ang salita ay binubuo lamang ng salitang-ugat. Ang salitang-ugat ay batayang salita ng iba pang pinahabang mga salita. Samakatwid, ito ang salita sa basal o likas na anyo – walang paglalapi, pag-uulit, o pagtatambal.

Mga Halimbawa:

  • awit
  • bayani
  • watawat
  • talino
  • halaga
  • yaman
  • pinto
  • sahig
  • pera
  • aklat
  • bintana

2. Maylapi – ang salita ay binubuo ng salitang-ugat at mga panlapi. Ang mga panlapi ay mga katagang idinaragdag sa unahan, sa gitna, o sa hulihan ng mga salitang-ugat. May ibat’ibang uri ng mga panlapi.

a. Unlapi – ang panlapi ay matatagpuan sa unahan ng salitang-ugat.
Mga halimbawa:
  • mahusay
  • palabiro
  • tag-ulan
  • umasa
  • makatao
  • may-ari
b. Gitlapi – ang gitlapi ay matatagpuan sa gitna ng salitang-ugat. Ang mga karaniwang gitlapi sa Filipino ay –in- at -um-
Mga halimbawa:
  • lumakad
  • pumunta
  • binasa
  • sumamba
  • tinalon
  • sinagot
c. Hulapi – ang hulapi ay matatagpuan sa hulihan ng salitang-ugat. Ang mga karaniwang hulapi sa Filipino ay –an, -han, -in, at –hin.
Mga halimbawa:
  • talaan
  • batuhan
  • sulatan
  • aralin
  • punahin
  • habulin
d. Kabilaan - ang kabilaan ay binubuo ng tatlong uri. Ito’y maaaring:

1. Unlapi at Gitlapi
Mga Halimbawa:
  • isinulat
  • itinuro
  • iminungkahi
  • ibinigay
2. Unlapi at Hulapi
Mga Halimbawa:
  • nagkwentuhan
  • palaisdaan
  • kasabihan
  • matulungin
3. Gitlapi a Hulapi
Mga Halimbawa:
  • sinamahan
  • pinuntahan
  • tinandaan
  • hinangaan
e. Laguhan - ang panlapi ay binubuo ng tatlong magkakaibang uri: unlapi, gitlapi, at hulapi.
Mga halimbawa:
pinagsumikapan
nagsinampalukan

3. Inuulit – ang buong salita o bahagi ng salita ay inuulit. May dalawang anyo ng pag-uulit ng mga salita.

a. Inuulit na ganap – ang buong salita, payak man o maylapi ay inuulit.
Mga Halimbawa:
  • taun-taon
  • masayang-masaya
  • bahay-bahay
  • mabuting-mabuti
b. Inuulit na di-ganap – bahagi lamang ng salita ang inuulit.
Mga Halimbawa: pala-palagay malinis-linis susunod

4. Tambalan – ang salita ay binubuo ng dalawang magkaibang salitang pinagsama upang makabuo ng bagong salita. May dalawang uri ng tambalang salita:

a. Tambalang salitang nanatili ang kahulugan
Mga Halimbawa:
  • isip-bata (isip na gaya ng bata)
  • buhay-mayaman (buhay ng mayaman)
  • abot-tanaw (abot ng tanaw)
  • sulat-kamay (sulat ng kamay)
Ang gitling sa pagitan ng dalawang salitang pinagtambal ay kumakatawan sa nawawalang kataga sa pagitan ng pinagtambal na salita

b. Tambalang salitang nagbibigay ng bagong kahulugan
Mga Halimbawa:
  • hampaslupa (taong napakahirap ng buhay)
  • dalagangbukid (isang uri ng isda)
  • talasalitaan (bokabularyo)
  • hanapbuhay (trabaho)


Basahin ang buong aralin...

Ang Ponolohiya o Palatunugan

Ang ponolohiya o palatunuga ay pag-aaral sa mga ponema (tunog), paghinto(juncture), pagtaas-pagbaba ng tinig(pitch), diin(stress) at pagpapahaba ng tunog (prolonging/lengthening)

Ponema ang tawag sa pinakamaliit na yunit ng tunog. May dalawang uri ng ponema: 1 segmental at suprasegmental.

Ang ponemang segmental ay binubuo ng ponemang katinig at patinig.

a) Labing-lima ang orihinal na kasama sa palabaybayan ngunit isinama ang impit na tunog o glottal stop (?) sapagkat ito ay itinuturing na isang ponemang katinig dahil napagbabago nito ang kahulugan ng isang salita. Ang dating bigkas nito ay malumi o maragsa.

b) /p, b, m, w, d, t, l, s, n, r, y, k, g, ng, h, ?/ ang bumubuo sa ponemang katinig


Halimbawa:

ba: tah - housedress
tub: boh - pipe
ba: ta? - child
tub: bo? - profit


c) Ang ponemang patinig ay lima : a, e, i, o, u.

d) May mga salitang nagkakapalit ang ponemang /u/ at /o/, gayundin ang /i/ at /e/ ngunit hindi nagbabago ang kahulugan ng salita.
Halimbawa:
babae - babai
kalapati - kalapate
lalaki - lalake
noon - nuon


e) Mayroon din namang mga salitang itinuturing na hiwalay na ponema ang /u/, /o/, /i/, at /e/ dahil nagbibigay ito ng magkaibang kahulugan at hindi maaaring pagpalitin.
Halimbawa:
uso - modern

mesa - table
oso - bear

misa - mass


Basahin ang buong aralin...

Mga Dahilan Kung Bakit sa Tagalog ibinatay ang Pambansang Wika

Mayroong limang dahilan ibinigay ang Surian ng Wikang Pambansa kung bakit sa Tagalog ibinatay ang wikang Pambansa. Ito ay ang mga sumusunod.

1. Ito ay may pinakamayamang talasalitaan. Katunayan, ang Tagalog ay binubuo ng 30,000 salitang-ugat at 700 panlapi.

2. Ito ang wikang ginagamit sa sentrong kalakalan.

3. Ito ang salita o wikang ginagamit ng nakararami.

4. Ito ay madaling pag-aralan, matutunan at bigkasin.

5. May pinakamaunlad na panitikan sa lahat ng katutubong Wika sa Pilipinas.


Basahin ang buong aralin...
 

e-filipino101 Copyright © 2009 Pinky Choco By Online Mommy's Corner