Ang mga salita ay may apat na kayarian. Ang mga salita ay maaaring payak, maylapi, inuulit o tambalan.

1. Payak – ang salita ay binubuo lamang ng salitang-ugat. Ang salitang-ugat ay batayang salita ng iba pang pinahabang mga salita. Samakatwid, ito ang salita sa basal o likas na anyo – walang paglalapi, pag-uulit, o pagtatambal.

Mga Halimbawa:
  • awit
  • bayani
  • watawat
  • talino
  • halaga
  • yaman
  • pinto
  • sahig
  • pera
  • aklat
  • bintana

2. Maylapi – ang salita ay binubuo ng salitang-ugat at mga panlapi. Ang mga panlapi ay mga katagang idinaragdag sa unahan, sa gitna, o sa hulihan ng mga salitang-ugat. May ibat’ibang uri ng mga panlapi.

a. Unlapi – ang panlapi ay matatagpuan sa unahan ng salitang-ugat.
Mga halimbawa:
  • mahusay
  • palabiro
  • tag-ulan
  • umasa
  • makatao
  • may-ari
b. Gitlapi – ang gitlapi ay matatagpuan sa gitna ng salitang-ugat. Ang mga karaniwang gitlapi sa Filipino ay –in- at -um-
Mga halimbawa:
  • lumakad
  • pumunta
  • binasa
  • sumamba
  • tinalon
  • sinagot
c. Hulapi – ang hulapi ay matatagpuan sa hulihan ng salitang-ugat. Ang mga karaniwang hulapi sa Filipino ay –an, -han, -in, at –hin.
Mga halimbawa:
  • talaan
  • batuhan
  • sulatan
  • aralin
  • punahin
  • habulin
d. Kabilaan - ang kabilaan ay binubuo ng tatlong uri. Ito’y maaaring:

1. Unlapi at Gitlapi
Mga Halimbawa:
  • isinulat
  • itinuro
  • iminungkahi
  • ibinigay
2. Unlapi at Hulapi
Mga Halimbawa:
  • nagkwentuhan
  • palaisdaan
  • kasabihan
  • matulungin
3. Gitlapi a Hulapi
Mga Halimbawa:
  • sinamahan
  • pinuntahan
  • tinandaan
  • hinangaan
e. Laguhan - ang panlapi ay binubuo ng tatlong magkakaibang uri: unlapi, gitlapi, at hulapi.
Mga halimbawa:
pinagsumikapan
nagsinampalukan

3. Inuulit – ang buong salita o bahagi ng salita ay inuulit. May dalawang anyo ng pag-uulit ng mga salita.

a. Inuulit na ganap – ang buong salita, payak man o maylapi ay inuulit.
Mga Halimbawa:
  • taun-taon
  • masayang-masaya
  • bahay-bahay
  • mabuting-mabuti
b. Inuulit na di-ganap – bahagi lamang ng salita ang inuulit.
Mga Halimbawa: pala-palagay malinis-linis susunod

4. Tambalan – ang salita ay binubuo ng dalawang magkaibang salitang pinagsama upang makabuo ng bagong salita. May dalawang uri ng tambalang salita:

a. Tambalang salitang nanatili ang kahulugan
Mga Halimbawa:
  • isip-bata (isip na gaya ng bata)
  • buhay-mayaman (buhay ng mayaman)
  • abot-tanaw (abot ng tanaw)
  • sulat-kamay (sulat ng kamay)
Ang gitling sa pagitan ng dalawang salitang pinagtambal ay kumakatawan sa nawawalang kataga sa pagitan ng pinagtambal na salita

b. Tambalang salitang nagbibigay ng bagong kahulugan
Mga Halimbawa:
  • hampaslupa (taong napakahirap ng buhay)
  • dalagangbukid (isang uri ng isda)
  • talasalitaan (bokabularyo)
  • hanapbuhay (trabaho)