Archive for March 2009

Pagsasanay: Pang-Uri at Pang-abay

10 Comments »

Sabihin kung pang-uri o pang-abay ang salitang nasusulat nang pahilig at salungguhitan ang salitang binibigyan turing.

_______________ 1. Sila ay madaling natuto ng Kastila.
_______________ 2. Talagang maganda ang tinig niya.
_______________ 3. Magandang magburda ang anak ni Mang Pedro.
_______________ 4. Si Aida ay likas na mahinhin.
_______________ 5. Sadyang mahinhing kumilos si Ana.
_______________ 6. Nagsalita nang banayad ang ina.
_______________ 7. Ang pangaral ng matanda ay banayad.
_______________ 8. Ang madalas na pagsasalita ay pangit pakinggan.
_______________ 9. Lubhang matalas mangusap ang tinamo nila.
_______________ 10. Maningning na tagumpay ang tinamo nila.
_______________ 11. Masiglang sumalakay ang mga kawal.
_______________ 12. Ang lahat ay masiglang-masigla.
_______________ 13. Ang dalaga aya matiyaga sa pananahi.
_______________ 14. Matiyagang nagbantay sa may pintuan ang babae.
_______________ 15. Lahat ay malungkot nang araw na iyon.
_______________ 16. Malungkot na lumisan ang mga sawing binata.
_______________ 17. Masayang nagpaalam ang mga panauhin.
_______________ 18. Lalong masaya ang nadaluhan naming piging.

Pangngalan (Noun)

1 Comment »

Kahulugan:
Ang pangngalan ay bahagi ng pananalita na tumutukoy sa ngalan ng tao, hayop, lugar, bagay, pook, pangyayari at kaisipan.
Halimbawa:


nars
Frappy

aso
Luneta

kompyuter

kasalan


kapayapaan
Bb. Santos



May dalawang uri ang pangngalan, pangngalang pambalana at pantangi.

Mga Uri ng Pangngalan

Pambalana(Common) - Ito ay tumutukoy sa pangkalahatang ngalan ng tao, hayop, lugar, bagay, pook, pangyayari at kaisipan.

Halimbawa:

doctor
paaralan

bulaklak
pusa


Pantangi(Proper) - Ito ay tumutukoy sa tiyak o tanging ngalang ng tao, hayop, lugar, bagay, pook, pangyayari at kaisipan. Ito ay nagsisimula sa malaking titik.
Halimbawa:

Dr. Ramos
Quezon City Science High School

Muning
Araw ng Kalayaan

Pagsasanay: Pang-angkop

No Comments »

Panuto: Punan ng nararapat na pang-angkop ang mga sumusunod.

1. kaugalian - Filipino
2. katangian - lilinangin
3. malinis - hangin
4. dakila - bayani
5. luntian - dahon
6. mababango - bulaklak
7. likas - yaman
8. makapangyarihan - Diyos
9. tao - matulungin
10. ugali - dayuhan

Aralin: Pang-angkop

41 Comments »

Kahulugan:
Ang pang-angkop ay mga katagang nag-uugnay sa magkakasunod na salita sa pangungusap upang maging madulas o magaan ang pagbigkasng mga ito. Sa makabagong pag-aaral ng wika, ang pang-angkop ay nahahati lamang sa dalawa.

1. na - Ito ay nag-uugnay ng dalawang salita na kung saan ang naunang salita ay nagtatapos sa mga katinig maliban sa titik n. Isinusulat ito nang kahiwalay sa mga salitang pinag-uugnay.
Halimbawa: Ang malinis na hangin ay ating kailangan.
Ang nauunang salita ay malinis na nagtatapos sa titik s na isang katinig.

Kaygandang tingnan ng makukulay na bulaklak.
Ang Diyos na makapangyarihan sa lahat ang tanging maaaring magliligtas sa atin
mula sa ating kasalanan.

2. -ng - Ito ay isinusulat karugtong ng mga salitang nagtatapos sa mga patinig (a, e, i, o u).
Halimbawa: Pinipigil ng malalaking ugat ng mga puno ang baha.
Ang pang-angkop na ng ay idinugtong sa salitang malalaki na nagtatapos
sa titik i na isang patinig.


Ang pang-angkop na -ng ay nag-uugnay rin sa mga salitang magkakasunod na kung saan ang naunang salita ay nagtatapos sa katinig na n. Ngunit hindi ito isinusulat sa ganitong anyo. Ang titik na n sa hulihan ng salita ay kinakaltas na lamang. Kaya ang pang-angkop na -ng at hindi g ang ginamit.
Halimbawa: luntian ng halaman >> luntiang halaman
Maraming banging matatarik sa ating bansa.

Pang-abay (Adverb)

7 Comments »

Kahulugan:
Ang pang-abay ay bahagi ng pananalitang nagbibigay-turing sa pandiwa, pang-uri o kapwa pang-abay.
Ang pang-abay at pang-uri ay kapwa mga salitang naglalarawan. Ang pang-uri ay naglalarawan ng mga pangngalan at panghalip samantalang ang pang-abay ay naglalarawan hindi lamang ng mga pandiwa kundi gayundin sa mga pang-uri at kapwa nito pang-abay. Ito ay nahahati sa iba’t ibang uri.


Mga Halimbawa:

A. Mabilis na manlalaro si Lydia de Vega.
B. Mabilis siyang tumakbo noong siya'y bata pa.

Sa unang halimbawa, ang salitang mabilis ay naglalarawan sa salitang manlalala na isang pangngalan samantalang sa pangalawang halimbawa, ang mabilis ay ginamit n panuring sa salitang tumakbo na isang pandiwa. Samakatuwid ang salitang mabilis ay maaring maging pang-uri o pang-abay ayon sa pananalitang nilarawan nito.


Mga Uri ng Pang-abay

Pamanahon ang pang-abay kapag nagsasaad ng panahong ikinaganap ng bagay o gawaing sinasabi ng pandiwa.
Halimbawa: Tuwing gabi ay nagbabasa kami ng asawa ko ng Bibliya.

Panlunan ang pang-abay kapag nagsasaad ng lunan o pook na pinangyarihan ng kilos.
Halimbawa: Itinuturo sa paaralan ang kagandahang-asal.

Pamaraan ang pang-abay kapag nagsasaad ng paraan ng pagkakaganap ng kilos.
Halimbawa: Maliwanag magsalita ang aming guro.

Panulad ang pang-abay na nagsasaad ng paghahambing.
Halimbawa: Lalong nauunawaan ang mga aralin kung pag-aaralan ito.

Panggaano ang pang-abay na nagsasaad ng dami, sukat o timbang.
Halimbawa: Hustong sumunod tayo sa mga panuntunan ng paaralan.

Pang-agam ang pang-abay kapag nagsasaad ng pag-aalinlangan o di-katiyakan. Tinatawag din itong pang-abay panubali.
Halimbawa: Siguro'y magbabago na siya.

Panang-ayon ay pang-abay na nagsasaad ng pagpayag o pagsang-ayon.
Halimbawa: Totoong mahirap mag-aral.

Pananggi ay pang-abay na nagsasaad ng pantanggi, di-pagtanggap o pagbabawal.
Halimbawa: Hindi bumabagsak ang batang masipag.

Panunuran ay pang-abay na nagsasaad ng pagkakasunod-sunod
Halimbawa: Kahuli-hulihang tinawag ng guro ang batang walang takda.

Pamitagan ay pang-abay na nagpapahayag ng paggalang.
Halimbawa: Opo, tapos na po ang gawain ko.

Panuring pang-abay na nagpapahayag ng pagtanaw ng utang na loob.
Halimbawa: Maraming salamat at tinulungan mo ako.


Mga Kawikaan (Proverbs)

No Comments »

1. Anglumalakad ng matulin, kapag natinik malalim.
2 Kapag may tiyaga, may nilaga.
3. Ang taong nagigipit kahit sa patalim kumakapit.
4. May tainga ang lupa, me pakpak ang balita.
5. Kapag may isinuksok may madudukot.
6. Daig ng maagap ang masipag.

7. Kung ano ang puno ay siyang bunga.
8. Kung me itanim me aanihin.
9. Kapag maiksi ang kumot matutong mamaluktot.
10. Kung walang apoy walang usok.

Pagsasanay: Panagano ng Pandiwa

No Comments »

Piliin at ibigay ang panagano ng pandiwa sa pangungusap

1. Lumayas ka ngayon din.
2. Nagwelga ang mga manggagawa.
3. Humihingi sila ng mataas na sahod.
4. Dumayo sila sa Baclaran kahapon.
5. Mahirap magbayo ng palay.
6. Magtanim tayo upang mabuhay.
7. Limutin mo na ang lahat.
8. Nalulungkot ang ina ni Totoy.
9. Nanaginip ang anak niya kagabi.
10. Tutuloy ba kayo sa Baliwag bukas?

Pagsasanay: Aspekto ng Pandiwa

4 Comments »

Piliin ang pandiwa at ibigay ang aspekto nito.

1. Kumikilos ang bawat mamamayan sa pagsugpo ng paglaganap ng narkotiko.
2. Inabot niyang may sakit ang kanyang kapatid.
3. Kapag masipag ka, bibigyan ka nila ng mabuting sahod.
4. Saan ka ba paroroon?
5. Babalikan ang naiwang kong asignatura sa susunod na semestre.
6. Lumapit siya sa altar at taimtim na nagdasal.
7. Sila’y nag-aaral sa aklatan.
8. Mag – aaral sila uli ng leksyon pagkatapos kumain ng hapunan.
9. Huhulihin ang mga nagtitinda ng bawal na gamot.
10. Napipinsala ang mga kabataan dahil dito.

Pagsasanay:Panlaping Makadiwa

No Comments »

Piliin ang pandiwa sa sa mga sumusunod na mga pangungusap. Sabihin kung anong uri ng panlapi ang ginamit.

1. Naramdaman natin ang kahalagahan ng ating Pambansang Awit.
2. Aawitin natin ito nang buong paggiliw.
3. Babalik ako sa isang taon.
4. Naghihintay ang bayan sa iyong pagkilos.
5. Bakit di ka kumilos at gumawa para sa ikauunlad ng iyong bansa?
6. Isang lalaki ang iginapos sa punong higera.
7. Siya’y nagbubuntung-hininga.
8. Naghihinagpis siya dahil sa kasawiang inabot.
9. Pinagsumikapan niyang umalpas.
10. Ipinagsumigawan niya ang kanyang kapalaran.

Pagsasanay: Pandiwa

2 Comments »

Pagsasanay : URI PANDIWA

I. Tukuyin kung ang mga sumusunod na pangungusap ay palipat o katawanin.

1. Ang mga makata ay sumulat ng mga akdang masasaya.
2. Ang mga payaso ay masigasig magpatawa.
3. Sina Severino Reyes at Hermogenes Ilagan ay nagtanghal sa mga palabas dulaan.
4. Sila ay nagpalimbag ng sari-saring akda.
5. Ang masasayang pananagalog ay dumagsa sa bayang mambabasa.
6. Ang panitikan natin ay nagkaroon ng batik.
7. Ang ibang manunulat ay kumatha ng mga akdang malalansa.
8. ang mga mambabasa ay nawalan ng gana.
9. Bumasa sila ng mga akda.
10. Ang kasipagan ay nagbubunga ng tagumpay.